Bokabyulari:
1. Hasler- expert sa larong tinutukoy
2. Ketket- saling pusa, panggulo
3. Tex- papel na hugis parihaba nanilalaro ng dalawa o higit pa. itinitira sa ere at ‘pag bumagsak na sa lupa, kung kaninong pamato ang naiiba, sa kanya mapupunta ang taya ng iba pang kasali. Ang dami taya ay depende sa napag-usapan ng mga kasali sa laro.
4. Mader- huling tumitira sa ten-twenty o sa iba pang laro gamit ang garter o minsan ay sa piko. Sya ang tagapagligtas kapag namatay(hindi nakatira ng maayos o hindi kaya ang sumunod na level) ang beybi at sister.
Bigla ko lang naisip. Parang ang sarap ulit maging bata. Malaya ka sa lahat ng gagawin mo. Kapag may ginawa kang kaweirduhan, eh hahayaan ka lang. ang kyut mo pa rin daw tignan. Tapos ang babaw lang ng kaligayahan. Pag umiyak ka, konting lobo at kendi lang, ayus na. wala ka masyadong pinoroblema. Wala masyadong gumugulo sa isip. Ang saya tuloy balikan ng mga ginawa ko noon. Gusto nyo ba malaman kung anu-ano yun? Ayaw nyo? Eh di ‘wag. Basta, isusulat ko pa rin. Bakit ba, page ko ‘to eh.
Maaga akong gigising para makipaglaro sa kapitbahay. 7am, nasa labas na ako nun. Partida, wala pang kain-kain yun hyper na agad ako pano pa kaya ‘pag nakakain na ako. Bukod sa di pa ako nakakain, di pa din ako naliligo (yak!). ayus lang, pare-pareho naman kaming mababaho eh. Ayun, umpisa na ng saya. Ilalabas ko na ang aking magic pamato. Maglalaro kasi kami piko. Hasler ako dun. Makakatulog muna yung mga kalaban ko bago sila makatira (yabang!). ‘pag sawa na kami sa piko, eh maglalaro naman kami ng patintero. At ‘pag sawa na ulit kami, eh maglalaro naman kami ng tex. May big at small version nito. ‘pag nag-away-away na kami dahil sinasabing nagkadayaan daw (parang eleksyon ah), ibang laro naman. Sinubukan din namin ang jolen (o sa mga sosyal ay tinatawag na marbles). Pag nabored na ulit kami dun eh maglalaro naman kami ng tumbang preso. Ako ata yung laging taya dun eh, ang lampa ko kasi. Ayan yung mga larong kalye na nilalaro namin araw-araw dati. 7am- 7pm yan. Ang break lang eh kapag kakain at tinatawag ng kalikasan. Ang tibay namin no? rain or shine pa yan.
Bukod sa mga larong kalye na nakakapawis at kadalasan ay panlalake, naglaro din naman ako ng mga pambabaeng laro. Andyan yung paper doll. Andami ko nyan dati, may sailormoon pa nga ako eh. Wala kayo nun. Naalala ko pa, yung isa kong kalaro eh binenta sa ‘kin yung ginawa nya na paper doll house na gawa sa box ng sigarilyo. 10 pesos daw. Ang mahal! . Hirap na hirap akong humingi ng pera kay mama. Di ko alam kung ano yung sasabihin kong dahilan para lang bigyan ako ng sampung piso. Buti nalang nakahingi pa rin ako. Gustong-gusto ko kasi talaga mabili yun. Bilib na bilib pa ako sa pagkakagawa nya nun. Eh shemay! Ang dali lang pala gumawa nun. Naloko ako dun ah. Bukod sa paper dolls, naglaro din ako ng mga Barbie doll( nung babae pa ako). Ang swerte ko kasi binibigyan ako dati nun. Pero malas ng mga magagandang Barbie dolls na yun dahil napunta sila sa maling kamay. Ang dating magaganda at mahahabang buhok nila, ay umiksi at kung minalas pa eh nagiging kalbo na. parang minurder lang eh. Naglaro ng tindahan at lutulutuan. Kung anu-ano ang mga initinda ko, shampoo, sabon, de-lata at chichirya. Lahat gawa sa papel. Anlupet! Pati yung pera gawa din sa papel na pang grade-one. Sino ang cashier? Ako! Sino ang customer? Ako pa din. Dati palang eh madalas na ako maglaro mag-isa. Buti sana kung sa loob ng bahay, ang malala dun sa harap pa ng bahay namin. Siguro iniisip ng mga dumadaan na tao noon, austistic ako.
Nahilig din ako sa mga stationery dati. Mga makukulay na papel na may design at may partner na envelope at kung minsan ay may memo pad pa. with matching stickers. Umabot sa pa isang malaking box yung collection ko nun. Nung nagsawa na ako dun, binenta ko nalang (oh ha, kumikitang kabuhayan).
Naglaro din ako ng ten-twenty, king-kong-king, wan by wan at kung anu-ano pang laro na ginagamitan ng garter. Magaling din ako dun (nagyayabang nanaman!) minsan ako yung mader minsan ako naman ay ketket lang.
Yan yung mga nakahiligan kong laruin noong bata ako. Sa mga larong yan, iba’t-ibang kalaro din yung mga nakalaro ko. (tongue twister?). Palipat-lipat kasi kami ng bahay nun. Kaya lahat ng nakikilala ko eh temporary lang. Isa sa pinakamemorable na nagyari nung lumipat kami eh nung nag handa ng despedida party yung mga kalaro ko para sa’kin. *Nakakatouch naman*. Grade 3 ako nun. Yun yung araw na lilipat kami. Hapon yun. Di muna ako sumabay sa first batch ng paglipat. Sabi kasi ng mga kalaro ko, magpaiwan daw muna ako. Pinagbigyan ko naman sila dahil last day na rin naming na magkakasama nun. Di ko alam naghanda pala sila ng party para sa akin. Ang handa, mga masusustansyang chichirya at kendi. Pero kahit ganun, Masaya pa rin. Naging sobrang special yun, at di ko makakalimutan.
Isa pa sa pinakaunforgettable na ginawa ko eh nung nagsabit ako ng Christmas sock sa pintuan ng bahay naming. At ang lahat ng pumasok sa pinto ay REQUIRED na maghulog ng minimum ng limang piso sa medyas. Oo, minimum ng limang piso. Nabantay na ako dun sa may pinto para tignan kung tama yung ilalagay nila dun. Naninigurado lang ako. Marami-rami din akong nauto noon. Lagpas sa 500 yung naipon ko na pinambili ko lang naman ng mga kapaki-pakinabang na mga panali ng buhok, clip at kung anu-ano pang kikay na gamit (nung babae pa ako). Kung pwede ko lang gawin ulit yun eh. Mas malaki na kasi ang pangangailangan ko sa pera ngayon. Kaya lang hindi na pwede. Sino ba naman ang magpapauto pa sa akin? Kahit ako di ako magpapauto sa sarili ko eh. Anu ako, hilo? Sinong niloko ko..
Ang mga kinuwento ko ay ilan lamang sa karanasan ko sa aking chayldhud. Kahit simple lang ang ilan dyan ay espesyal pa rin yan sa ‘kin. Kahit hindi ganun karangya ang naging chayldhud ko tulad ng ibang bata, maswerte pa rin ako dahil naranasan ko paring maglaro at makisalamuha sa iba. Kahit wala akong playstation dati, meron naman akong dalawang dangkal na tex. Kahit hindi gaanong maganda ang mga Barbie doll ko, meron naman akong paper doll with matching paper doll house na gawa sa box ng sigarilyo. Kahit wala akong de-remote control na laruan, meron naman akong magic pamato na laging panalo sa piko. Ano, laban kayo dyan?
Ang mahalaga, naranasan natin maging bata kahit sa paanong paraan, marangya man o hindi. Magpasalamat nalang tayo dahil hindi tayo natulad sa ibang mga bata na ipinagpalit ang kanilang childhood para makapagtrabaho para sa pamilya. Maswerte tayo dahil meron tayong masayang “childhood memories” na pwede nating alalahanin katulad ng ginagawa ko ngayon. Namimiss ko na nga yung mga yun eh. Kung pwede lang talaga maging bata ulit.
No comments:
Post a Comment